ODA PARA SA MGA BITUING NAGLALARO SA LUPA

ODA PARA SA MGA BITUING NAGLALARO SA LUPA
ni Rado Gatchalian


Sa silong ng alapaap kung saan ako’y sumuko
May tulang naghihintay, maging diwata’y sinusuyo.

Sa ilalim ng mga punong humahalik sa langit
Ang handog ay walang katulad na panalangin.

Sapagkat hindi lamang dahil ako ay nananabik,
Maging ang abang musmos ay kalaro ng mga bituin.

Marahil may mga bulaklak na kusang naghahanap,
Hindi lamang ng pag-ibig, kundi ng kapayapaan.

Hayaan mong ako’y maging alipin ng iyong ganda,
Narito ako’t magsisimulang balikan ang sinumpaang panata.

Kung ang mundo’y sabik sa aking pagbabalik,
Ano ang aking ipagkakaloob kundi isang banal na halik?

At kung ako man ay mabigo sa nakatakdang gantimpala
Hayaan mong ang aking sining ang siyang magbigay saya.

At sa aking pamamaalam sa maghapong pakikipagtunggali,
Mananaig ang may ginintuang puso gaya ng mga dahong naghihintay sa binibini.

Popular posts from this blog

DALAMPASIGAN SA PANUBIGAN

UNSWERVING SERVICE TO HUMANITY

VACCINES OF DEATH