SUSUKO RIN ANG BUWAN
Tula ni Rado Gatchalian
SUSUKO RIN ANG BUWAN
ni Rado Gatchalian
Buwan, sungkutin mo ang puso ko
kahit malayo.
At kung abot man,
pahiram ng isang gabi
para magkapiling
sa buong magdamag.
At kung magtatago sa likod
ng mga ulap,
hihintayin kita hanggang pagsikat ng araw
at hahandugan
ng bulaklak
mula sa aking hardin.
Kung ako ma’y isang abang mangingibig,
alipinin mo ako hanggang
ika’y sumuko sa aking yakap
na walang kapaguran.
Ihahandog ko hindi lamang ang aking pangarap,
ibibigay ko ang lahat-lahat,
kahit di ko kayang abutin ang langit,
ibibigay ko dito sa mundo
ang paraisong
tanging magbibigay sa iyo ng supling.
Abutin mo, hanggang ika’y sumuko,
at bumitaw.
Ang May Akda