IKAW

Tula ni Rado Gatchalian



 

Ikaw, Minamahal Kong Pilipinas
The FILOsopher
The Philippine Community Herald Newspaper
October 2023 Edition

IKAW
Ni Rado Gatchalian

Ikaw ang ugat ng lahat sa akin
At kung di man makamit
Ang pangarap at mithiin,
Hindi mahalaga ang bungang ito
Kung ikaw sa akin ay maglaho.
Mahal kita di lang dahil kaw ang tibok ng puso
Kundi kabiyak ng nag-iisa kong buhay dito sa mundo,
At kung lilisanin ko man ang nanlulumong daigdig,
Ikaw at ikaw - ngayon at bukas ang kapiling,
Hahanapin kita sa kabilang buhay man,
Ang pag-ibig na ang ugat ay ikaw lamang,
Tulad ng batis na nanunuyo kung saan mo ko dadalhin,
Maghihintay sa iyo sa umaga o gabing nananabik,
Ako’y isang irog na sisilip-silip sa mga bituin
At doo’y aking ihahandog ang walang kamatayang halik.

MINAMAHAL KONG PILIPINAS
Ni Rado Gatchalian

Sa iyong palad hinaplos ang kaibuturan ng aking puso,
Maging aking kaluluwa’y humihiling ng iyong kalinga’t pagmamahal,
Hinahanap ko ang ligaya sa iyong kabundukan, ilog, at mga dagat,
May ligalig maging mga tilaok ng manok at walang katapusang tahol ng mga aso,
Subalit batid kong higit pa rito ang iiwan kong alaala —
Ang makasama at mayakap ang minamahal,
Sadyang nagbibigay kahulugan sa aking pagkatao,
Ang walang katulad na saya sa aking abang buhay,
Ang aking pamilya, kaibigan, kamag-anak, mga minamahal…
At ang aking mumunting pangarap at panalangin
Inaalay ko sa Kabataang Pilipino at sa ating Bayang Magiliw.

Minamahal kong Pilipinas,
Kasama ka saan man, ngayon at bukas.

Pagpalain ang ating Bayan!

#TheFILOsopher #Tula #Ikaw #MinamahalKongPilipinas #Pilipinas

Popular posts from this blog

DALAMPASIGAN SA PANUBIGAN

UNSWERVING SERVICE TO HUMANITY

VACCINES OF DEATH