LIWAYWAY ARCEO

Lifted from Project Vinta
31 January 2024



Noong Enero 30, 1924 ipinanganak sa Tondo, Maynila si Liwayway Arceo, isang tanyag na manunulat, kwentista, editor, at scriptwriter. Anak siya sina Gregorio Arceo at Amada Ablaza.

Bata pa lamang ay kinakitaan na siya ng talino. Nanguna siya sa kanyang klase sa mga antas na primarya at intermedya at naging mag-aaral na may karangalan sa Mataas na Paaralang Torres. Papasok sana siya sa Unibersidad ng Pilipinas nang na may kursong peryodismo ngunit piniling maging manunulat. 

Nailathala ang isa niyang maiksing katha sa Taliba noong 1941. Dalawang taon pa lamang matapos nito, nasungkit na niya ang ikalawang parangal para sa kaniyang akdang maikling kwento na ang pamagat ay "Uhaw ang Tigang na Lupa" sa paligsahan na isinagawa ng Liwayway Publications na "25 Pinakamahusay na Maikling Kwento ng 1943". 

Nagsimula siyang makilala lalo ng publko nang maging manunulat, tapagpagsalin, at announcer sa himpilang PIAM noong 1943. Nang sumunod na taon, gumanap siya bilang isa sa mga tampok na aktres ng pelikulang Tatlong Maria. Mula sa pagsisimula ng kaniyang pagsulat hanggang taong 1950 ay nakalikha siya ng mahigit-kumulang 99 na mga kwento. Pumukaw ito sa damdamin ng mga mambabasa dahil sa mga tema nitong ng pag-ibig, lakas ng kababaihan, at iba pa. Dahil sa pagsusulat, nakilala niya kabiyak na si Manuel Prinsipe Bautista na isa ring manunulat at makata.

Matagumpay ding siyang scriptwriter na sumulat sa unang dramang panradyo sa bansa; nagtagal ng sampung taon ang serye niyang "Ilaw ng Tahanan". Sinulat din niya ang mga skrip nina Tiya Dely Magpayo sa programang Ang Tangi Kong Pag-ibig at Kasaysayan ng mga Liham ni Tiya Dely noong dekada 1960 hanggang 1990 at ni Helen Vela sa programang Lovingly yours, Helen noong dekada 1970.

Nakapagsulat siya ng 50 nobela at ilan sa mga pinakakilala sa mga ito ay ang "Canal de la Reina" na nailimbag noong 1972 at ang "Titser" na inilathala naman noong 1995. Siya rin ay nagsilbi bilang isang editor sa Liwayway sa seksyon ng "Bagong Dugo" at "Balita". Naisalin sa wikang Nihongo ang kaniyang mga pinakasikat na akda gaya ng "Uhaw ang Tigang na Lupa" at "Canal de la Reina" habang ang "Banyaga" naman ay naisalin sa mga wikang Ingles, Bulgarian, at Ruso. 

Taong 1952 nang parangalan siya bilang "Kuwentistang Babae ng Taon" ng Surian ng Wikang Pambansa. Noong 1962, natamo rin niya ang unang parangal sa dibisyon ng maikling kwento sa prestihiyosong Don Carlos Palanca Memorial Awards para sa kaniyang katha na "Banyaga". Nagkamit rin siya ng iba pang mga parangal mula sa Unyon ng mga Manunulat ng Pilipinas, Catholic Mass Media Awards, Asian Catholic Publishers, at Cultural Center of the Philippines.

Pumanaw siya noong Disyembre 3, 1999.

Mga Sanggunian:

"Arceo, Liwayway Ablaza." 1999. Sa Sulong Pilipina! Sulong Pilipinas! A Compilation of Filipino Women Centennial Awardees. Maynila: National Centennial Commission-Women Sector. 141.

"Isang Tala ang Sumilang. A Star is Born." 1944. Shin Seiki 2(9), Hunyo 1944. panloob na pabalat sa likod.

Lacuesta, Lolita Rodriguez. 1994. “Theme and Technique in the Short Stories of Liwayway A. Arceo from 1941–1950.” Philippine Studies 42(1), 39–62. http://www.jstor.org/stable/42633418.

"Liwayway Arceo (1924-1999)." walang petsa. Ateneo Library of Women's Writings.  Nakita noong Enero 29, 2024 sa http://rizal.lib.admu.edu.ph/aliww/filipino_larceo.html.

"Liwayway A. Arceo." 2015. sa Virgilio S. Almario, patnugot. Sagisag Kultura, tomo 1. Maynila: National Commission for Culture and the Arts.  https://philippineculturaleducation.com.ph/arceo-liwayway-a/.

Siazon-Lorenzo, Carmelita. 2007. Talambuhay ng mga Manunulat. Lungsod ng Mandaluyong: National Book Store.

. . .
May saysay ang kasaysayan. Ikalat pa natin:
🖐 I-like at i-follow ang Project Saysay at Project Vinta
👉 Bisitahin ang www.psaysay.org
🤙 Usap tayo paano pa natin mapapalakas ang public history sa project.saysay@gmail.com
#pSaysay10

Popular posts from this blog

DALAMPASIGAN SA PANUBIGAN

UNSWERVING SERVICE TO HUMANITY

VACCINES OF DEATH