Bakit Nakatungó Ang Uhay Ng Palay

Tula ni Rosario Caristea
Aka Rio Ramillo 


Bakit Nakatungó Ang Uhay Ng Palay

Nakatungo akong hindi nahihiya,
Kundi sinisinop ang para sa madla,
Sapagkat batid kong sa aking aruga,
Laging umaasa ang bawat sikmura.

Nakatungo ako sa paáng maugat,
Siya at ang ako’y laging nag-uusap,
Upang alagaan ang butil ng bigas,
Na syang magtatawid sa bitukang humpak.

Nakatungo ako sa luwad na tigang,
Matapos maiga ang nagpálang linang,
Laging sumasamo sa sangkalangitang,
Huwag ilalakas ang buhos ng ulan.

Nakatungo akong may bagbag na puso,
Na nakaririnig ng inyong pagsamo,
Aking hinahamak ang pagkakalugso,
Nang walang hiningang sa gutom mapugto.

Nakatungo ako sa araw at gabi,
Kahit dinadagil ng mga tutubi,
Sapagkat ang minsang malingat nang kási,
Nangangahulugang gútom sa marami.

Nakatungo akong kapára ng buntis
Na nasa kagampang, bigat tinitiis,
Aking binabatá ang gintong pasakit,
Nakatungo ako dahil umiibig!

~Rosario Caristea
BIGKIS NG PANITIK

Popular posts from this blog

DALAMPASIGAN SA PANUBIGAN

UNSWERVING SERVICE TO HUMANITY

VACCINES OF DEATH