ANG BOLA NG BUHAY
22 September 2024
Ang Bola ng Buhay
ni Jeffrey Cejero aka Jepoy
Ako'y naglalakbay sa agos ng panahon.
Di inaalintana kung saan ako paroroon.
Ilubog man ako ng kabiguan ng alon
Gaano man ito kailalim, lagi naman ako nakakaahon.
Sa aking paghahangad na maabot ang buwan
Maging mga tala, araw at kalangitan,
Bumagsak man ako mula sa kaitaasan,
Ang mahalaga'y nakatatalbog akong lumalaban.
Paningin ko sa lahat ay pantay.
Walang ibaba, walang itaas na binabatay.
Bilog ang mundo na patuloy sa pag-inog ng buhay
Gaya ng tulad kong umiikot, nagbabagong tunay.
Ako'y patalbog-talbog at pagulong-gulong.
Madalas buhay ko'y paikot-ikot tulad ng gulong
Ganito ang aking buhay para sumulong
Dahil ako'y isang bolang sa hamon kailanman hindi umuurong.