CORRUPTION IN A BLINK OF AN EYE
By Rado Gatchalian
12 February 2025
PART 1
BAKIT KARAMIHAN NG PULITIKONG PILIPINO AY KORAP? (Unang Bahagi)
(Ito ay sinulat sa wikang Filipino. Kung makita niyo itong nasa Ingles: marahil ay naka-auto-translate ang inyong Facebook)
Ni Rado Gatchalian
Bagama’t ang tanong na ito ay isang complex na paksa, lalo na sa kontekstong Pilipinong saklaw ang ating komplikadong kultura at kaugalian, sisikapin nating mailahad nang mabilisan at maikli ang ating sagot. Alam kong kulang ang isang libro upang lubusang maintindihan ang isyung ito – batid kong hindi ko kayang ibigay nang buo ang kasagutan sa napakalaking tanong na ito “Bakit ang Pilipino ay korap?”
Marahil tayong lahat ay naging bahagi sa sakit na ito, ang cancer sa ating lipunan, na hindi natin namamalayan – mula sa ating mga voters, sa sistemang politikal ng ating bansa, hanggang sa ating mga kaugalian gaya ng palakasan, padrino system, bahala na, ipasa-Diyos na lang natin, at iba pa. Ang bawat item na sumusunod ay hindi naman ultimate na iyon na ang sagot. Maaaring ang isa ay tama at ang iba ay mali. Kailangan lang nating lawakan ang ating pag-iisip.
1 – Ang ating sistemang politikal na kailangang baguhin. Sa kasamaang-palad kung pag-aaralan nating maigi, nagkakaroon ng pagkakataon ang ating mga pulitiko na magkorap sa kaban ng bayan dahil “madali ang magnakaw” sa ating gobyerno. Bulok ang sistema at kayang laruin ang sistemang ito – dahil dito, madaling pagtakpan o itago ang pagnanakaw sa kaban ng bayan.
2 – Sa kasamaang-palad ang ating bansa ay nawalan na ng dignidad o kahihiyan. Harap-harapan na ang pagnanakaw sa ating lipunan subalit naging “parang okay lang.” Kalakaran naman na ito, kaya’t “okay lang.” Kung magninilay tayo nang mabuti – tatanungin natin ang ating sarili “Bakit ang Pilipinas hanggang ngayon ay mahirap pa rin?” Marahil hindi lang ang sistema ang nabulok sa ating pamayanan kundi tayo mismo, ang tao. Nabulok na ang ating kaluluwa, ang ating kaugalian – at “okay lang” ang maging korap kasi lahat naman ginagawa ito. Ito’y naging cycle sa ating pamumuhay nang ilang henerasyon hanggang sa naging “normal” na ito sa ating pagkatao. Masakit tanggapin subalit totoo. Kung kaya’t ang isang malinis na Pilipino na pumasok sa pulitika – kahit hindi niya gusto ang maging masama, wala na siyang magawa kundi ang sumabay sa agos ng pulitika. Sa huli, ang kawawa ang Sambayanang Pilipino na patuloy na maghihirap.
3 – Dahil may lamat na sa ating kultura bilang isang Pilipino, nawalan na rin tayo ng prinsipyo sa buhay. Dahil nawalan tayo ng prinsipyo sa buhay, naging makasarili tayo. Ang ating iniisip lang ay kung paano tayo yumaman. Naging materialistic ang Pilipino. At pinakamabilis na paraan ay ang pumasok sa pulitika. Kaya’t mapapansin kahit ilang dekada na sa gobyerno, ayaw nilang iwan ang pulitika. At dahil natuklasan nilang ito ang pinakamabilis na paraan para yumaman isinama na rin nila ang buong pamilya at angkan sa pulitika. Kaya laganap sa atin ang political dynasty.
4 – Lagi ring nasisisi ang pangkalahatang Pilipino sapagkat kahit alam na nating hindi karapat-dapat ang tumatakbo sa eleksyon – ay patuloy pa rin nating binoboto ang mga hindi kwalipikado. Tignan na lang natin sa Senado – maraming nananalo lamang dahil sila ay mga artista. At sa lokal na pulitika naman – dahil na rin sa hirap ng buhay, marami ang binebenta ang kanilang boto. Para sa ordinaryong mamamayan – pinakamabilis na solusyon, subalit pangmadalian lamang, ay tanggapin ang perang inaabot ng pulitiko. “Tiyan muna bago prinsipyo.” Napakakomplikado ang paksang ito sa ugnayan ng kahirapan ng buhay at korapsyon sa lipunan. Paulit-ulit at paikot-ikot na lamang ito. Kaya’t hamon sa ating lahat na Pilipino ang mabuksan ang ating pag-iisip sa kung ano ba ang tama, mas tama, at pinakatama. Kung hindi natin pipiliin ang pinakatama, walang patutunguhan ang ating bayan. Kung lagi na lamang ang kahirapan ang excuses natin para tanggapin ang pera sa mga pulitiko habang buhay tayong magiging mahirap.
5 – Marahil magtataka tayo: marami sa atin ay relihiyoso subalit bakit kahit natuturing tayong “the only Christian country” in Asia eh bakit para tayong walang moral? Kung ang Pilipino ay maka-Diyos eh bakit halos karamihan ng korap ay nasa ating bansa? Isa itong complex na scenario at kailangan nating pagnilayan nang mabuti. Marahil something is wrong deep within us. Marahil sa sobra nating pagkarelihiyoso nakalimutan natin ang basic – ang maging mabuting tao. Totoo yata na karamihan sa atin ay impokrito. Palagi tayong nagsisimba subalit hindi naman ginagawa ang tama. Marahil dahil sa ang Pilipino ay relihiyoso – madali sa atin ang magsisi sa ating kasalanan at magpatawad sa kasalanang nagawa ng iba. Kung kaya’t para sa isang korap na pulitiko – mabilis siyang maka-get-over sa nagawa niyang pagnanakaw sa kaban ng bayan dahil magdarasal lang siya at hihingi ng patawad sa Diyos, at sa tingin niya ay okay na. At mapapansin karamihan sa kanila – binabawasan nila ang guilt sa pag-dodonate sa Simbahan, na kadalasan ay galing sa kaban ng bayan. Ito ay superficial na kaugalian ng Pilipino. Mababaw tayo. At sa Sambayang Pilipino naman – dahil tayo ay mapagpatawad, madali tayong makalimot at binoboto ulit natin sila kahit alam nating napatunayan silang korap. Para sa karamihan – sino ba tayo para humusga? Lahat may second chance naman. Lagi tayong ganito, kaya paulit-ulit lang ang korapsyon at kahirapan sa ating bansa.
ITUTULOY…
#Pilipino #Pilipinas #Korapsyon