ANG TUNAY NA LUHO SA BUHAY

03 May 2025
Pag-aakda ni Jeffrey Cejero 

Hindi lahat ng luho ay nabibili. Minsan, nasa simpleng pamumuhay ang tunay na yaman—tahimik na gabi, malusog na katawan at pusong kontento. 
********



Ang Tunay na Luho sa Buhay
jepoy

Hindi nasusukat ang luho sa mga bagay na nabibili, kundi sa paraan ng ating pamumuhay—simple, payapa at may pusong puno ng pasasalamat.

Sa panahon ngayon, madalas sukatin ng marami ang luho sa pera— mamahaling sasakyan, matataas na condo, branded na damit at kung ano ano pang nagmamahalan. Pero kung pag-iisipan ito nang mabuti, mapagtatanto na ang tunay na mga luho sa buhay ay mas simple at may mas malalim na halaga.

Ang tunay na luho ay ang ngiting taos sa puso at ang saya na hindi kailangang ipakita lang sa litrato o sa social media.

Ang tunay na luho ay ang kakayahang maglakad, tumakbo at gumalaw nang malaya kahit sa katandaan, hindi 'yung nakasakay sa mamahaling sasakyan dahil hindi na kayang igalaw ang katawan.

Ito ay ang pagtalon sa mga ilog at paglangoy sa dagat, ramdam ang lamig ng tubig at init ng araw, hindi ang nakaupo sa isang mamahaling yate at pinapanood lang ang alon mula sa malayo.

Ito ay ang pagtira sa isang simpleng bahay na napalilibutan ng mga burol, bundok, bulaklak, sariwang hangin, huni ng ibon, at luntiang paligid, hindi ang nakapiit sa mamahaling condo sa matao, maingay at maruming lungsod.

Ito ay ang pagkain ng iba’t ibang putahe nang masaya, nang walang iniisip na asukal, presyon o mga bawal. Ang bawat subo ay isang biyayang lasapin, hindi panganib.

Ito ay ang paggising nang natural, walang alarmang sumisigaw, ang mahimbing na pagtulog na malaya ang isipan. Ito ay ang mabagal na paglalakad tuwing hapon, pagmamasid sa paglubog ng araw at paghinga ng kapayapaan, hindi ang pagsiksik sa mga mall tuwing weekend dala ng pressure na bumili ng mga bagay na di naman talaga kailangan.

Ito ay ang pamimitas at pagkain ng mga ligaw na prutas mula sa mga puno at bukid, hindi 'yung prutas na may kemikal at nakabalot sa plastik sa supermarket.

Ito ay ang pag-inom ng kape nang dahan-dahan, ninanamnam ang bango at init, hindi ang paglalango sa alak o paglaklak ng energy drinks para lang makaraos sa araw na puno ng stress.

Ito ay ang paglalakad at pag-akyat sa mga bundok, nararamdaman ang lupa sa bawat paghakbang ng paa, hindi ang mayaman pero nakakulong sa kwarto dahil sa sakit.

Ito ay ang pagkakaroon ng sariling hardin ng mga bulaklak at gulay kung saan nakapipitas ng mga sariwang bulaklak, hindi 'yung binibili sa mga mamahaling flower shop na ang kagandahan ay panlabas lang at mahal pa. Ito ang tuwang dulot ng pagtatanim, pagmamasid sa pagtubo, pag-aalaga araw-araw at pag-aani ng pagkaing ligtas, masustansya at inaruga ng may pagmamahal.

Ito ay ang pagkakaroon ng munting bukid na may mga kambing, manok at anumang hayop na malayang gumagala. Ang kanilang mga tunog ay tila musika ng kalikasan, at ang pag-aalaga sa kanila ay nagbibigay ng kakaibang kapayapaan. Madali silang palakihin dahil ang pangangailangan nila ay nasa paligid lamang at hatid nila ay ligayang hindi kayang tumbasan ng pera.

Ito ang mga tunay na luho sa buhay. Hindi sila nabibili ng pera. Nakakamtan sila sa pamamagitan ng simple, natural at may tunay na ngiti sa buhay.

Sa huli, ang tunay na mayaman ay hindi ang may pinakamarami kundi ang marunong magpakasaya sa buhay nang malusog, mapayapa at malaya.

Popular posts from this blog

UNSWERVING SERVICE TO HUMANITY

COCOY LAUREL'S GIFT TO NORA AUNOR

PARADISE BEYOND DREAMING