AKALA NATIN
Akda: Duoi Ampilan 
SA DAKO PA ROON
Akala natin ay mahaba ang oras. Akala natin, ang bawat yugto ng ating buhay ay mananatili, at ang ating lakas ay hindi maglalaho.
Akala natin, ang mga ngiti at yakap ng pamilya ay laging nariyan para sa atin. Akala natin, may permanenteng sandalan sa bawat pagkalugmok at may kasama sa bawat pagluluksa.
Ngunit ang buhay ay may hangganan. May huling patak ang oras, may dulo ang bawat kabanata, at may wakas ang bawat kwento.
Kaya sa mga kabataang nagsisimula pa lamang tumahak sa landas, huwag maghintay sa walang hanggang bukas. Huwag isipin na "ayos lang ang lahat" nang kusa. Huwag isantabi ang mga pangarap sa pag-aakalang laging nariyan ang mga mahal natin sa buhay.
Gamitin ninyo ang kasalukuyan bilang pundasyon ng inyong kinabukasan. Pagyamanin ang inyong talino, lakas, at kakayahan hindi para sa ngayon lamang, kundi bilang paghahanda sa magiging buhay ninyo sa dako pa roon.
Ang pinakamalaking regalo ninyo sa inyong sarili at sa pamilya ay hindi ang kayamanan, kundi ang isang buhay na handa....handa sa anumang pagsubok, handa sa mga hamon, at handang tumindig nang matatag at marangal, anuman ang dumaang unos.
Dahil ang pagpaplano at pagkilos ngayon ang siyang magiging tanglaw ninyo sa landas patungo sa isang bukas na puno ng pag-asa, panatag na puso, at pangarap na natupad.
